Thursday, January 22, 2009

Tula: Langit o Impyerno?

LANGIT O IMPYERNO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
The Featinean folio, Summer 1997
Paunawa: Ang usapang ito’y ikalawang beses na pagbabago, mula sa pamagat na “Sambahin ang Ngalan Mo” (Hulyo-Agosto 1994)

ANGHEL:
Tao tila yata mabigat ang iyong problema
Anyo ng iyong mukha'y di maipinta
para malutas iyan, huwag daanin sa masama
Kundi manalangis sa diyos na Lumikha.

SATANAS:
Pumapel ka na naman, Anghel dela Gwardya
Alam mo namang marami siyang nagawang sala
Sa impyerno'y napakahaba na ng listahan niya
Huwag mo siyang abalahin sa kanyang kandidatura.

ANGHEL:
Halimaw na may mahabang buntot at sungay!
Huwag kang makialam sa mabuti kong pakay
Hindi pa siya handang mapunta sa hukay
May panahon pa siyang magbagong-buhay.

SATANAS:
Sa aklat ng amo mo'y konti lang ang nakalista
Na mga nagawa niyang kabutihan dito sa lupa
Sa kaharian naming maapoy ay napakarami na
Ng kanyang nakatalang mga pagkakasala.

ANGHEL:
Ngunit kung ang tao'y nabubuhay pa
At magsisisi ng buong puso't kaluluwa
Tiyak na diringgin siya ng Poong Lumikha
Patatawarin sa kanyang mga nagawang sala.

SATANAS:
Ay, naku naman, kailan pa sila magsisisi?
Karamihan sa kanila ay malamig nang bangkay
Ang mga kasalanan nila'y napakarami
Kaluluwa nila'y sa amin mapapasakamay.

ANGHEL:
Tao, gumawa ng kabutiha't pagsisihan mo na
Lahat ng nagawa mong pagkakasala
Di ka na makapagsisisi pag ika'y patay na
Humingi na ng kapatawaran sa Poong Bathala.

SATANAS:
Hoy, tao, huwag mo siyang pakinggan
Mas masaya doon sa aming kaharian
patuloy ka pang gumawa ng mga kasalanan
Upang kaluluwa mo'y aming mapaglaruan.

ANGHEL:
Tao, huwag magtulug-tuluga't gumising na
Sa katotohanang taglay mong buhay ay iisa
Magbago ka't magpakabuti, ikaw na pinagpala
Buhay mo'y iwasto, huwag nang sayangin pa.

ANG MAY-AKDA:
Kasuwapangan sa tubo, libog at kayabangan
Ay mga matitinding dahilan ng mga kasalanan
Kaya't kaibigan, ang gawin mo'y pawang kabutihan
Para sa pangkalahatan, 'di sa kaginhawaan ng iilan.

No comments:

Post a Comment