ANO ANG PASKO PARA SA IYO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
The Featinean publication, Disyembre 1993
Ano ba talaga ang diwa ng Pasko para sa iyo?
Sabi nila'y paggunita sa pagsilang ni Kristo
Ngunit magmasid ka nga pag araw ng Pasko
Karamiha'y nasa isip ang matatanggap na regalo.
Isinilang si Hesus, na sinasabing Tagapagligtas
Upang tubusin daw tayo sa mga gawaing taliwas
Ngunit anong ginagawa ng mga talipandas
Patuloy pa rin sila sa mga gawaing marahas.
Hindi ba't pagmamahalan ang diwa ng Pasko?
Ngunit bakit tuwing Pasko lamang naaalala ito?
Pag pangkaraniwang araw ay mapang-api tayo
Kunwa'y mapagmahal... ngunit mapagbalatkayo!
Nagtigil-putukan, mga rebelde sa kabundukan
Pati na mga sundalo't opisyal ng pamahalaan
Upang ipagdiwang daw ang Paskong daraan
Hindi upang pag-usapan ang kapayapaan ng bayan.
Ngunit bakit pa nila ipinagdiriwang ang Pasko
Kung di naman nila sinusunod ang utos ni Kristo
Na mahalin ang Diyos ng buong diwa, kaluluwa't puso
Mahalin din, bawat isa, pati mga kaaway mo.
Kung pagmamahalan ang tunay na diwa nito
Hiling ko sana'y bawat araw ay maging Pasko
Dahil sa panahong ito lamang nagugunita ng mga tao
Ang pagmamahalan at pagbibigayan sa ibabaw ng mundo.
No comments:
Post a Comment