Thursday, January 22, 2009

Tula: Ang Peryodista at ang Sanggano

ANG PERYODISTA AT ANG SANGGANOni Gregorio V. Bituin Jr.
The Featinean folio, Summer 1997
Paunawa: Ang usapang ito’y ilang beses na nagpabagu-bago, mula sa pamagat na “Sigaw ng Katarungan” (1993), naging “Walang Piring ang Katarungan” (Hulyo-Oktubre 1996)


PERYODISTA:
Sa bawat pag-usad nitong hawak na pluma
Katotohana’t katarungan ang nasa aking diwa
Kahayupa’t pagsasamantala’y nangaglipana
Sa gamit kong pluma’y dapat ibulgar sila.

SANGGANO:
Ano bang magagawa niyang pluma mo
Sa malakas na kalibre nitong baril ko?
Kung pagpapakabayani, ‘yan ang nais mo
Ngayon pa lang, magsubukan na tayo!

PERYODISTA:
Hindi pulbura’t bala ang gamit kong sandata
Kundi papel, kamera, kompyuter at pluma
Pagdating sa panulat, haharapin kita
Kahit magtago ka pa sa ilalim ng kama.

SANGGANO:
Hoy, peryodista, ano bang akala mo
Sa pluma mo’y mababahag ang buntot ko?
Itong sumusulak kong poot, pakaiwasan mo
Baka isang tinggang bala ang isubo ko sa iyo!

PERYODISTA:
Mga talipandas na tulad mo’y dapat mabura
Dito sa mundong ang hari’y mga kapitalista
Hindi mo matatakot ang tulad kong peryodista
Tinatawanan ko lang ang isang tinggang bala.

SANGGANO:
Ang lakas naman ng dating mo, pare
Samantalang wala ka namang sinabi
Kung gusto mo’y manu-mano tayo dine
Para masukat mo, tapang ko’t laki!

PERYODISTA:
Lalabanan kita, sabayan kung sabayan
Sa iyo’y baril, sa aki’y pluma naman
Tingnan natin kung sinong huhusgahan
Ng mga tao sa ugali nating kainaman.

SANGGANO:
Huwag mo akong hamunin, torpeng barako
Isang bala ka lang, iya’y tandaan mo!
Huwag mong pag-initin itong aking ulo
Baka hawak na gatilyo’y makalabit ko!

PERYODISTA:
Ang tagal naman, bakit hindi mo subukan
Tulad ka rin ng amo mong kapitalistang gahaman
Pero gaya n’yong hangal ay dapat lang tuluyan
Dapat lang kayong kalusin, salot kayo sa lipunan!

ANG MAY-AKDA:
Kaya ang payo ko sa inyo, mga mambabasa
Paggawa ng krimen ay pakaiwasan sana
Dahil tinitiyak kong pag kayo’y nambiktima
Sa gamit kong pluma, KAYO’Y AKING ITUTUMBA!

No comments:

Post a Comment