Monday, January 19, 2009

Pagsubok at Tagumpay

PAGSUBOK AT TAGUMPAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
The Featinean publication

Bawat isa sa atin ay may kakayahang magtagumpay sa bawat larangang ating papasukin. Magtatagumpay ka, ano man ang pangarap mo, maging sino ka man, mayaman ka man o mahirap. Basta't ang mahalaga ay sinusubukan mo ang bawat larangang nais mong mapagtagumpayan. Dahil sa pagsubok, tumitibay ang isang tao. At magtatagumpay ka kung positibo ang iyong pananaw sa buhay.

Napakahalaga ng positibong pananaw kung nais mong makamit ang tagumpay. Isipin mong kung nakaya ng iba, kaya mo rin. Talo ka kapag inisip mong talo ka. Pero kung lugmok ka na dahil sa mga problemang dumarating sa iyong buhay ngunit inisip mong hindi pa tapos ang laban, pinagpatuloy mo at pinagsikapan mong makamit ang gusto mo, magtatagumpay ka. talo ka kung gumamit ka ng karahasan para makamtan ang iyong nais. Talo ka kung hindi ka lumingon sa iyong pinanggalingan. Hindi ka magtatagumpay kapag huminto kang sumubok, kapag huminto kang magtangka. Hindi ka magtatagumpay pag hindi ka sumali sa kumpetisyon. Talo ka kapag hindi ka lumaban. Talo ka kapag ayaw mong matalo.

Ang matagumpay na tao ay laging sumusubok. Ang pagkabigo o pagkasawi ay hindi makahahadlang sa kanya. Ang pagkabigo ay nagsisilbing hamon sa kanya upang ipagpatuloy niya ang kanyang pagsisikap. Ang matagumpay na tao ay mahinahon at matiyaga. Naniniwala siya na marami ang daan at pamamaraan para makamit ang tagumpay.

Ang ating buhay ay maihahalintulad sa paglalaro. Halimbawang tayo ay naglalaro ng bowling, minsan ay nakaka-strike tayo. Pag tayo naman ay naglalaro ng dart, minsan ay napatatamaan natin ang "bull's eye". Ang buhay ay paris din ng marathon, sapagkat sa marathon, hindi laging unahan at pabilisan ng pagtakbo. Ang mahalaga rito ay ang lakas ng resistensya at makarating tayo sa finish line.

Paminsan-minsan, mabibigo tayo pero darating ang panahon, makakaraos din tayo, makaka-strike din tayo. Huwag mo lang kalilimutang sumubok at baka sa sinubukan mong iyon, doon ka magtagumpay. Maging positibo ka lang lagi at iwasan ang negatibo. Tandaan lang, kaibigan, sa mga taong nagtitiyaga at nagsusumikap, sa mga taong hindi natatakot sumubok, nakakamit nila ang tagumpay. At sa mga taong bigo, hindi ka dapat mawalan ng pag-asa sapagkat magtatagumpay ka rin.

Kaibigan, kung halimbawang sa unang pagsubok ay pumalpak ka, analisahin mo kung saan ka nagkamali at huwag mo nang ulitin pa. Huwag mo laging iisipin na talo ka. Isipin mo, kagaya ng larong dart, makaka-bull's eye ka rin. Pero kung sa tingin mo ay hindi para sa iyo ang tagumpay na iyon, hanapin mo kung saan ka naaangkop at baka doon ay magtagumpay ka. Alalahanin mo ang mga kasabihan sa wikang Ingles, "The winner always believe that failure never makes him quit" at "If there's a will, there's a way".

No comments:

Post a Comment