BAKIT MAY PASKO PA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
"Ang pasko ay sumapit. Tayo ay mangagsiawit ng magagandang himig dahil sa ang Diyos ay pag-ibig."
Ah, malapit na nga ang kapaskuhan. Paano ba ito? Ano ba ang diwa ng Pasko? Ang sabi nila, ang kapaskuhan daw ay kaarawan ni Kristo, ang sinasabing tagapagligtas. Pag kapaskuhan daw dapat ay magmahalan at magbigayan. Ahhh... pulos kaplastikan. Oo, kaibigan. Pulos kaplastikan. Alam mo ba kung bakit?
Bakit nga ba tuwing kapaskuhan lamang ipinakikita ang pagmamahalan at ang pagbibigayan? Bakit hindi sa buong taon? Bakit kailangang mamili ng araw para lamang maipakita na kaya ka nagdiriwang ng kapaskuhan ay para lamang makitang nagmamahal at nagbibigay ka rin pala? Kung ito ang diwa ng kapaskuhan, bakit kailangan nating ipagdiwang ito?
Sa totoo lang, kaibigan, hindi mapatotohanan ng mga iskolar na Disyembre 25 nga ipinanganak si Hesus. Basahin mo ang Bibliya nuong panahong ipinanganak si Hesus. Kung tunay na Disyembre 25 nga siya ipinanganak, dapat ang deskripsyon ng paligid ay nagyeyelo dahil panahon ito ng yelo sa Bethlehem kung saan ipinanganak si Hesus sa sabsaban. Sabagay, tao lang ang gumawa ng kalendaryo na kasalukuyan nating ginagamit sa ngayon.
Tingnan mo rin ang balita sa dyaryo at telebisyon, at pakinggan ang balita sa radyo. Nagkaroon ng tigil-putukan sa pagitan ng mga rebelde at pamahalaan upang ipagdiwang ang kapaskuhan. Pero pagkatapos ng kapaskuhan, banatan na naman! Sabagay, kahit paano, ang kapaskuhan ay nagsisilbing pagkakataon para makauwi matapos ang mahaba-habang pakikihamok.
Tingnan mo ang iyong paligid, kaibigan. nagiging komersyalisado ang kapaskuhan. Hindi na ang diwa nito kundi ang bagay na maireregalo ang nagiging basehan upang maipakita ang kanilang pakikiisa sa araw na ito.
Malapit na ang pasko. Minsan ay naoobliga kang bumili ng iyong regalo para sa iyong inaanak at mga mahal sa buhay. Paano kung sapat-sapat lang ang pera mo? At maaaring kulang pa sa pagkain mo? Ang tradisyunal na pagbibigayan sa Pasko ay isang uri ng manipestasyon na naghahanap tayo upang punan ang anumang pagkukulang natin. Dahil sa ganitong paraan lamang natin maipapakita na tayo kahit minsan lang ay nakakaalalang magmahal at magmalasakit sa ating mga kaibigan at mga mahal sa buhay. Bagamat sa buong taon ay hindi man lang natin sila naaalala.
Siyanga pala, kaibigan, hindi naman sa ayaw ko ng Pasko. Ang hindi ko lang nagugustuhan ay ang sistemang umiiral sa ating lipunan na ginagawang panakip-butas ang Pasko para sa tunay na reyalidad ng buhay.
Ahhh. Pasko, kung ang tunay na diwa mo ay pagmamahalan, pagtutulungan at walang pagsasamantala, sana araw-araw ay laging Pasko para walang mang-aapi, walang magsasamantala sa lipunan. Sana'y pantay-pantay ang ating mga karapatan. Ahhh... kaibigan, ang salitang "sana" ay walang kapupuntahan. Tayo nang kumilos at ipaglaban ang ating karapatan. Itayo natin ang lipunang walang mang-aapi at walang magsasamantala, ang lipunang tunay na kumikiling sa tunay na diwa ng kapaskuhan.
- The Featinean publication, Nobyembre-Disyembre 1994

No comments:
Post a Comment