Thursday, January 22, 2009

Tula: 1 Corinto 13

1 CORINTO 13
ni Gregorio V. Bituin Jr.
The Featinean publication, Pebrero 1994


Makapagsalita man ako sa iba't ibang wika
Maunawaan ko man silang mga paham at dalubhasa
Kung wala akong pag-ibig sa aking kapwa
Wala ring kabuluhan ang aking ginagawa.

Ang Salita ng Diyos, maipahayag ko man
Lahat ng hiwaga'y aking maunawaan
Bundok ma'y mailipat doon sa kabila
Kung walang pag-ibig, wala akong magagawa.

Ipamigay ko man ang lahat kong ari-arian
Sunugin man itong aking katawan
Ano ang saysay kung pag-ibig ay wala
Dito sa aking pusong dapat naipunla?

Ang pag-ibig ay kagandahang loob at pagtitiyaga
Hindi naiinggit, nagmamapuri't nagpapariwara
Hindi mapagtanim ng galit sa kapwa
Hindi makasarili at mabuti ang gawa.

Magpahanggang wakas ay mananatili
Ang dapat na taglayin nitong ating budhi
Pananampalataya, pag-asa at pag-ibig
Mahalagang sangkap ng buhay dito sa daigdig.

No comments:

Post a Comment